ANG TAGA PAYO- One-Shot Story (Tagalog)

Story

ANG TAGA PAYO

Authour: Crezelda Dayao

Ang buhay ay isang malaking misteryo. Kailan at saan nga ba nagsisimula ang buhay? Kapag iniluwal ka na nang iyong ina mula sa kanyang sinapupunan at nasilayan ang mundong puno ng kababalaghan?

Paano at kailan ka ba magiging tao? Kapag nakamit mo na ang perpektong anyong pisikal na hangad ng nakararami dito sa mundo.?

Paano ka uunlad? Kailangan bang hatakin pababa ang iba para maiangat ang sarili mo?

Paano ka makakarating sa dapat mong kalagyan? Kailangan ba ay apurahin at kalimutan ang iyong pinagmulan?

Paano ka magugustuhan ng ibang tao? Kailanangan ba ay pagtakpan mo ang ugaling taglay mo gamit ang ugaling hindi naman sayo? Ang bawat indibidwal ay puno ng walang katapusang katanungan , wala man silang nakakamtan na kasagutan pero patuloy pa rin sa pagtatanong.

May magulo at pabago bagong pag-iisip , mahilig gawing komplikado ang mga simpleng bagay, pero ang tao lang ang may kakayahang payabungin ang kanyang kaalaman.

Ngunit sa iyong paglalakbay sa isang mundong misteryoso at puno nang katanungan may isang taong gagabay at magiging taga payo mo. Isang taong magpapaintindi sayo at sasagot sa mga katanungan mo .

Isang taong ang hangad ay mapabuti ka at hindi mapariwara. Taong ang nais ay maging bukas ang iyong isipan at magkaroon ng busilak na kalooban.

Sa aking paglalakbay patungo sa tagumpay isang taga payo ang naging sandigan ko.

Siya ang tanging taong nagpatunay sa akin na totoo ang Diyos at siya ang dahilan ng ating eksistensya dito sa mundo.Ang diyos ang dahilan kung bakit tayo naririto sa kinalalagyan natin ngayon. Siya ang tanging may karapatan na bawiin ang buhay na siya ring nagkaloob sa atin.

Siya ang gumabay sa akin simula’t sapol. Magmula nang ako’y nangarap gabay at suporta niya sa akin ay nag-uumapaw. Siya ang nagpapa-alala sa akin ng mga hangarin ko sa mga oras na nakaliligtaan ko.

Siya ang nagbigay lakas sa akin sa bawat laban sa aking buhay. Siya ang nagtatayo sa akin tuwing madadapa ako . Lagi siyang naka-alalay sa likod ko.Siya ang nagsilbing hugutan ko ng lakas sa tuwing napanghihinaan ako ng loob.

Siya ang laging nagpapa-alala sakin na normal lang ang madapa at bumagsak paminsan minsan ang mahalaga ay may aral kang natututunan.

Siya ang taong nagturo sa akin na ang buhay ay hindi basta nagsimula ng isilang ka at nasilayan mo ang mundo. Nagsisimula ito sa pagtuklas ng importansya at kahulugan nito at Kapag nalaman mo na ang silbi mo sa mundo.

Tamang nabuhay ka dahil sa hanging nilanghap mo pagkalabas mo sa sinapupunan ng iyong ina ,ngunit ang buhay na tinutukoy ko ay hindi iyong literal na kahulugan lawakan mo ang iyong isip at iyong mauunawaan ang nais nitong ipabatid.

Siya ang nagpaunawa sakin na ang pagiging tunay na tao ay wala sa pisikal na kaanyuan kundi nasa kaibuturan ng iyong puso. Ang pagiging tao ay wala sa mukha at mas lalong wala sa katayuan sa buhay.

Ikaw ay magiging ganap na tao kung alam mo kung paano makipagkapwa tao. Kahit anong antas o katayuan mo sa buhay hindi ka maidedeklara bilang tao kung ang ugali mo ay mas masahol pa sa hayop.

Siya ang nagbigay daan upang lubos kong maintindihan na ang pag-unlad ay hindi nangangahulugan na hatakin pababa ang iba upang ikaangat mo dahil ang tunay na pag-unlad ay nasa sarili mo. Sarili mong kakayahan at sariling pagsisikap. Nasa sarili mo ang susi sa tunay na pag-unlad wala sa kamay nang iba kailangan mo lang ibukas ang iyong mata upang iyong matagpuan.

Siya ang nagpaunawa sa akin na upang marating ko ang dapat Kong kalagyan ay hindi ko dapat madaliin ang nararapat ay magsimula ka sa umpisa at tapusin hanggang dulo ng walang kadayaang ginagawa .

May kuwaderno patungo sa dapat mong kalagyan pero upang maging mas makabuluhan nararapat na sundin mo lahat ng proseso patungo dito sapagkat kung mandadaya ka, sarili mo lang ang lilinlangin mo.

At isang bagay pa upang makarating ka ng matagumpay matuto kang lumingon sa iyong pinanggalingan.Huwag kang lilimot sa iyong pinagmulan sa halip gawin mo itong inspirasyon patungo sa tagumpay.

Siya ang nagpatunay na hindi ko kailangan magpanggap sa harap ng maraming tao , na mali ang pagtakpan ang totoo mong pagkatao at gamitin ang pagkatao ng iba . Hindi mo kailangan magustuhan nang iba sapat na yung mga taong nariyan sa tabi mo at mas nakakakilala sayo ng totoo.

Hindi mo kailangan magpanggap para magustuhan ka nila ,dahil kung gusto ka talaga nila gagawa sila ng paraan para kilalanin ka at tanggapin kung sino at ano ka talaga.

Dalawa ang pinaka tumatak sa akin na payo niya. Una Ang pagmamahal ay hindi hinihingi kusa itong ibinibigay mula sa kaibuturan ng kanilang puso.

Ang magmahal ay hindi parating namamagitan sa dalawang tao kadalasan ay isang tao lang ang nagmamahal na hindi naman natin maiiwasan ,dahil ang tao ay sadyang marupok mabilis mahulog sa patibong ,pero sana wag mong gawing miserable ang buhay mo dahil lang sa hindi ka kayang mahalin ng taong mahal mo bigyan mo ng tiyansa ang iba upang mahalin ka at bumitaw ka sa taong itinataboy ka, bigyan mo rin ang sarili mo ng pagkakataon para sumaya hindi yung habang buhay mong ibabaon sa puso mo ang sakit at ikukulong mo ang sarili mo sa pighati.

At ang pagmamahal ay hindi lang para sa magnobyo at magnobya ito ay para sa lahat ng tao sa paligid mo hindi naman kailangan magnobyo/magnobya ka upang maranasan mong mahalin at magmahal minsan sapat na ang pagmamahal ng pamilya mo at mga kaibigan mo upang makumpleto ka.

At ang pangalawa ay hindi mo kailangan palagi ang iba para sumaya ka. Minsan ikaw at ang desisyon mo lang ang tanging magpapasaya sayo. Hindi mo kailangang iasa palagi ang kaligayahan mo sa iba dahil sa sarili mong paraan kaya mong maging masaya.

Gawin mo lang lahat ng bagay na nagpapasaya sayo tuparin mo ang mga pangarap mo ,salubungin mo ang bawat araw sa buhay mo na may ngiti sa labi mo ,burahin mo lahat ng pait,sakit at galit diyan sa puso mo tanging ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo upang maging tunay na masaya. Kaya upang magkaroon ka ng mapayapa at masayang buhay nakasalalay yan sa kamay mo.

Sobrang daming aral ang natutunan ko sa mga payo niya. Mga aral na naging pundasyon upang patatagin at palakasin ako.

Isang taga payong lubos na nagmamahal sakin ng walang alinlangan, taong tumanggap sakin sa kabila ng mga kahinaan at karuwagan ko , taong nagtuwid sa baluktot kong pananaw sa buhay ,taong walang ibang hangad kundi makamit ko ang lahat ng mithiin ko , taong simula’t sapol nakasuporta na sa pangarap ko, taong laging nariyan sa kalungkutan man o kasiyahan,taong may pinakamalaking parte sa buhay ko na kung wala siya sa tingin ko magiging walang saysay ito.

Taong nging Taga Payo ko. At kung wala siya siguradong wala ring ako.

Salamat sayo DAKILANG TAGA PAYO.

Isang mabuting modelo na dapat tularan at hangaan.

Isang tunay na bayani na sumasagip sa aking pagbagsak.

Isang kaibigan,karamay at sandigan.

Isang mabuting asawa sa aking ina

At isang responsableng ama.

Salamat sayo aking AMA NA TUNAY NA DAKILA.

Iniidolo kita ,at mahal na mahal po kita.

Wakas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *